Ano ba ang weltanschauung para sa Pilipino?
Mahalagang ipaalala dito na ang weltanschauung ay, unang-una, isang indibidwal na pananaw, isang pribado at eksklusibong pagtukoy sa mundo bilang ganito at hindi ganoon. Isang ilusyon ang pagtaguyod ng isang malawakan at mapang-yakap na weltanschauung na hindi ginugulo ng kontradiksyon at pagtunggali.
Ngunit walang kwenta ang weltanschauung na hindi maibabahagi ng may-ari nito; sa kanyang pakikipagsapalaran sa buhay hindi maiwasan na maipakita ng indibidwal ang kanyang weltanschauung sa iba. May dalawang bahagi ang weltanschauung: ang ”tradisyunal” na bahagi nito bilang isang pagtanaw ng mundo, at ang ”nakatagong” bahagi ng ”pagpapakita” (schau) ng pananaw na ito. Ito ang prinsipyo ng weltanschauung bilang isang naibabahaging realidad ng tao.
Sa pagtaguyod ng weltanschauung bilang isang naibabahaging kaalaman madaling isunod ang tanong na, ”Maaari bang umangat sa pambansang antas ang indibidwal na weltanschauung?” Sa pananaw ng maraming pantas, ang sagot ay limitado lang sa bilang ng salita nito: bakit hindi? Hindi ako tutol sa kanilang pagtangkilik sa isang progresibong proposisyon, ngunit hindi rin maaalis ang ilang alinlangan.
Una, madaling sabihin sa teorya na ang isang bansa ay may mapag-isa at natatanging pananaw sa mundo. Ngunit sa praxis, at lalo na sa isang demokratikong praxis, ang iiral lang – at kasalukuyang uniiral – na ”pambansang weltanschauung” ay isa na bumabalangkas at tumatangkilik sa realidad ng hidwaan. Totoo na ang tao ay isang mapanglipong nilalang (social animal), ngunit totoo rin na ang tao ay nilalang ng hidwaan. Inihihiwalay siya sa kanyang ina sa kanyang kapanganakan, itinuturo sa kanya na iba-iba ang mga bagay sa mundo, na may tama at mali; sa kanyang pakikipagkapwa itinutugma niya ang kanyang kaibahan (distinction) sa kaibhan ng iba; siya’y nakikipag-away at nakikibaka; atbp. Sa madaling salita, ang perpektong unibersal na weltanschauung ay isa na kumikilala sa kanyang kabaligtaran: isang di-perpekto at makasariling weltanschauung.
Pangalawa, ang mismong salitang ”weltanschauung” ay likas na limitado sa sakop nito: hindi ito angkop sa malawakang pagtalima. Ang ating paggamit ng weltanschauung bilang isang pagtanaw sa mundo ay barok at kulang, kahit sabihin natin na ang paggamit nito ay tapat sa ibig ipahiwatig ng mga Aleman. Sa karanasang Pilipino hindi sapat ang ”weltanschauung” upang isiksik ang lahat ng kasaysayan, tradisyon at mga ad hoc na kalagayan, mga realidad na hindi maaaring isantabi. Aking iminumungkahi na ang tunay na hinahanap ng kamalayang Pilipino ay isang ideolohiya. Ang Pilipino ay hindi tumatanaw sa mundo gamit lamang ang kanyang subhetibong pagkakalilanlan; hindi lang ang mga mata ang ginagamit niya kundi pati na rin ang kanyang karanasan. Ideolohiya ang mas-angkop na hanapin ng unibersal na kamalayang Pilipino sapagkat inuungkat nito ang parehong indibidwal at kolektibong karansan ng tumatanaw na Pilipino at nililipol ang mga ito upang maging batayan ng pribadong weltanschauung ng Pilipino.
Masasabi na ang weltanschauung, dahil na rin sa kanyang batayan ng karanasan (experiential dimension), ay isang mayamang pagtanaw sa mundo – oo, puno ng bias at mga irrasyonal na haka-haka, ngunit bahagi ang mga ito ng kayamanan. Ang malawak na kaurian ng kaalaman at karanasang napapaloob sa isang weltanschauung ang nagbibigay kaibahan at kasarinlan sa pagtanaw-sa-mundo. Ang ’kultural’ na aspeto ng weltanschauung ang siyang ”nagbibigay-kulay” sa pagtanaw ng Pilipino.
Mahalaga ang weltanschauung sa pag-iral ng isang kamalayan. Bagama’t ang una ay hindi bahagi sa pagbuo ng huli, mahirap isipin ang patuloy na pag-iral ng kamalayan ng indibidwal kung nawala o wala naman talaga ang weltanschauung. Sa pilosopiya ni Sto. Tomas de Aquino, ang esensya ng subjek o ng ego ay umiiral – at umiiral lamang – sa kanyang relasyon sa objek o id. Sa ganitong prinsipyo nakataguyod ang kamalayang Pilipino: ang malay natin ay tumatanaw sa mundi na nagpapatunay na namamalayan natin ito.
Sa pagtanaw ng mundo “nawawala” ang “bagay” na mundo at napapalitan ito ng ”mundo-sa harap (o paligid)-ko.” Ang paglipat mula sa obhetibo patungo sa subhetibo ay isang sine qua non ng weltanschauung, dahil dito nabubuo ang tinatawag na “karanasan.” Ngunit hindi rito nagtatapos ang proseso ng weltanschauung: sa kanyang pakikipagtalastasan at pagbabahagi sa iba ang Pilipinong kamalayan ay nagdudulot mg ”objectification” ng kanyang sariling subhetibong pananaw. Sa pagbanggit ng kanyang weltanschauung sa iba ito ay nagiging objek ng pag-ayon o pagtutol ng iba: hindi na ito ang subhetibong pananaw ng indibidwal na kamalayan; ito ay isa nang ideya na maaaring pagsama-samahin upang maging isang ideolohiya. Dito na papasok ang mag isying epistemolohikal, ngunit iiwasan na ng awtor sa mga ito.
Sa pagtaguyod ng weltanschauung bilang sangkap ng kamalayan, dapt din itanong: ano ang tinatanaw ng kamalayang Pilipino?
Ayon sa Katekismo para sa Pilipinong Katoliko, ”tayong mga Pilipino ay mapaniwala sa espiritu” (2000:18). Ito raw ang pananaw sa daigdig ng mga Pilipino. Mga puwersang hindi matanaw ang silang pinagtutuusan ng pansin ng mga Pilipino. Sa unang tingin tila kahungkagan ang ganitong pananaw. Ngunit ganito ba talaga ang pananaw ng mga Pilipino?
Isang tatak ng kulturang Pilipino ang sari-saring pananampalataya at paniniwala na tumutugon sa o nagpapahiwating man lang ng isang espiritwal na mundo o realidad. Hitik ang mga alamat, pamahiin at ritwal panlipunan sa mga bagay espiritwal. Sa kanyang pagkilala sa di-materyal na realidad nabubuo sa kamalayang Pilipino ang pananaw na may higit pa sa mundong kinagagalawan ng Pilipino, isang kwasi-realistikong kamalayan na nakakaimpluwensiya sa kanyang pagkatao at gawain at kadalasa’y nakapangyayari sa kanyang paligid. At ang Pilipino ay hindi ang tipong nagwawalang-bahala; bagkus inuugnay niya ang lahat ng karanasan sa kanyang sarili: pinipilit niyang tumugon sa mga penomenong nararanasan niya, at sa kanyang pagtugon ay nag-aalala siya sa kung anong impluho ang maidudulot ng maitatanaw.
Ang pag-aalala na ito ang siyang nagbibigay-anyo sa weltanschauung ng Pilipino. Sa pananaw ng kamalayang ito ang mundong kanyang kinabibilangan at tahasang nararanasan ay miderwertig, isang mababang klase ng realidad kumpara sa realidad na lagpas sa sarili niyang pagtanaw, at sa pakikipag-ugnayan sa espiritu ay naitataguyod niya ang sarili niya bilang buhay, may malay, naiiba sa mundo, at espiritwal rin. Ito ang prinsipyo ng relihiyong pilipino, at ang Pilipino bilang homo religiosus: isang indibidwal na weltanschauung na ang tanaw ay ang überwelt sa halip na ang mismong mundo-sa-paligid.