Sunday, 7 November 2010

Isang Pagtugon kay Ocampo at Timbreza


Inuulit man ng mga tagapagtanggol ng Pilosopiyang Filipino ang mga argumento nila sa kanilang mga sulatin, inuulit man nila ang mga kaisipan at kasaysayan ng pagsisimula at gradwal na pag-unlad ng kasanayang ito, mahirap pa rin na hindi mapagtanto na may nais silang iturong orihinal: mula sa sisang isyu ay may maraming agam-agam na makakalap (kahit mistulang pare-pareho), mula sa isang paksa sangkatutak na opinyon at kagalingan ang maaaring maipahayag. At kung ganoon na lamang ang potensyal ng isang natatanging usapin tayo’y inaanyayahan na mabighani sa at tuklasin ang iba pang mga bagay na bahagi ng ating realidad, ng ating buhay, at ating isailalim ang mga ito sa ating pamimilosopiya. Sa kamalayang ganito lamang natin na masasabi na tayo’y likas na mga pilosoper, walang hiya or sagabal na uudlot sa ating pagtatanong.


Ngunit nakalulungkot din na mapansin ang halos kawalan ng orihinalidad sa ating mga pilosoper, ang kundisyon na kanilang idinidemanda sa pamimilosopiya, lalo na sa kanilang nilalaman at pamamaraan. Ang pilosopiyang Filipino ba ay mananatiling eksistensyal, penomenolohikal at analitikal, liban na lamang sa pamumuno ng mga pilosoper na ito? Ikukulong na lang ba natin ang pilosopiyang sariling ”atin” sa mga paulit-ulit na panimula nila Abulad atbp.? Ngunit hindi tayo dapat na huminto sa pagsasalarawan na lamang ng kasaysayan, mga problema at pagkakataon, at mga paunang hakbang ng mga tinatawag nating ”pioneer”. Nakabibingi na ang kanilang mga daĆ­ng para sa intelektwalisasyon ng Filipino at ang kaakibat nitong modernisasyon.

Kasaysayan lang din naman ang isa sa mga pangunahing suliranin ng pilosopiyang Filipino, bakit hindi natin ”ampunin” ang mayamang kasaysayan ng pilosopiya ng ibang bansa at sa halip na nagmamatigas sa isang malabong orihinalidad ay paunlarin at paghusayin ang mga nasabing banyagang kaisipan?[2] Bakit ba kailangan nating talikdan ang mga ito sa ating paghahanap ng awtentik na pilosopiyang katutubo, bakit ba kailangang isuka natin ang mapait na gulay kung pwede namang lunukin upang mapagyaman natin ang personal na karanasan?[3] Bakit ba kailangang patayin ang kasalukuyang katawan upang mapatunayan na ito ay may buto? Hindi ba mas matalino ang Filipino na umunat at magtrabaho upang mapatunayan na siya nga ay may buto, at hindi na kailangang hukayin pa ang kanyang kalamnan?

Hindi nasusukat sa orihinalidad ang orihinalidad. Bagkus nasusukat nga lang ito sa ating mga tangka na tumulad (at sa isang dako ng ating pamimilosopiya sinusunod natin ito, sa ating paghahanap ng ”orihinalidad”), panatag na hindi natin makakamit nang ganap ang karanasan at pilosopiya ng iba. Pinakatotoo pa rin ang kasabihang ”Walang dalawang tao ang magkatulad,” maging katawan man ’yan o kaisipan at karanasan.

Hindi ako nangangarap na sumunod sa yapak ng mga pilosoper na Filipino. Wala (na) rin akong balak na maging pangalawang Sto. Tomas Aquino, o isang bagong Descartes o Habermas. Nakakawalang-gana na ang pilosopiya pagkatapos basahin ang mga salita nila Quito, Abulad, Timbreza, Gripaldo, atbp. Kung ganitong uri lang ng pamimilosopiya ang babagsakan ko, huwag na lang. Sa pananaw ko ibinababa lang nila ang larangan ng pilosopiya sa antas nila – hindi bilang isang ordinaryong umuunawa, ngunit bilang isang orihinal na pilosoper – upang sila nama’y makatuntong sa pedestal nila Socrates. Sabi ni Socrates, ”gnothi seauton,” at kung alam mong hindi mo kayang abutin si Agustin o si Sartre, huwag mo silang hilahin pababa.

Hindi dapat nagmamadali ang mga pantas ng pilosopiyang Filipino. Inabot ng 600 taon bago mapaunlad ang Platonismo sa ilalim nila Plotinus at Agustin. Si Aristoteles, 1500 taon. At hanggang ngayon ay pinagdudunungan pa rin ang mga pilosopiya nila Descartes, Hume, Rousseau, Kant, Marx, Husserl at Dewey – ’wag na muna nating isama si Derrida – at bagama’t malaking tulong ang teknolohiya (at ang mas maraming nag-iisip at nag-aaral sa kanila, bung ng malaking populasyon ng sangkatauhan) sa pilosopikal na diskurso, mahirap sabihin na mapapadali ang pagkaganap ng mga nasabing henyo. Tila hindi sumusunod ang pilosopiya sa pag-unlad ng tao. May sarili itong tiyempo, may sariling kaganapan.

Ang tinatalakay nila Ocampo at Timbreza sa kanilang mga sanaysay ay di nabibilang sa tunay na pilosopiyang katutubo. Mas nabibilang ito bilang isang pulitikal na argumento, isang nasyunalistikong pagsusuri sa wika bilang bahagi ng intelektong Filipino.


[1] Paglagpas kay Pilosopo Tasyo (Ocampo) & Pamimilosopiya sa Sariling Wika (Timbreza)
[2] Hindi dahil sa kinahiligan ko na ang Kanluraning pilosopiya na ako ay sasandal sa ganitong metodolohiya; ang mga kontribusyon sa pilosopiya ng antropologong si Mercado at ng metapisikong si Ferriols ay kahanga-hanga at masasabing umpisa ng pag-akyat ng Filipino sa rurok ng katanyagan sa kumbensyonal na pilosopiya. Kung tutuusin, lihis sa ipinaiiral na sistema nila Abulad et al. (na tila ay mga taga-tala lang ng karamdaman ng pilosopiyang Filipino) ang pamimilosopiya ng dalawa.
[3] Ang pagdiin ko dito ay mauunawaan lamang sa konteksto ng globalisasyon.

No comments:

Post a Comment